Inatasan ng Civil Service Commission (CSC) ang mga ahensya ng gobyerno na paigtingin ang kampanya laban sa sexual harassment sa lugar ng trabaho.
Alinsunod ito sa pagdiriwang ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women mula Nobyembre 25 hanggang ngayong Disyembre 12, 2023.
Sinabi ni CSC Chairperson Karlo Nograles, na 22.8% ng mga empleyado sa buong mundo kabilang ang Pilipinas ang nakararanas ng karahasan at harassment sa trabaho.
Batay ito sa pag-aaral na isinagawa ng International Labor Organization, Lloyd’s Register Foundation, at analytics company na Gallup.
Ipinapakita din sa pag-aaral, na ang mga kababaihan ay bahagyang mas lamang kaysa sa mga lalaki na nakaranas ng karahasan at harassment.
Nanawagan si Nograles sa mga ahensya ng gobyerno, na paigtingin ang pagpapatupad ng CSC Resolution No. 2100064 o ang Revised Administrative Disciplinary Rules on Sexual Harassment Cases.
Kinakailangang lumikha ng Committee on Decorum and Investigation (CODI) ang mga head ng mga ahensya, isang independent internal mechanism upang tugunan at imbestigahan ang mga reklamo ng sexual harassment. | ulat ni Rey Ferrer