Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara para i-institutionalize o gawing ganap na batas ang “right to disconnect” ng isang empleyado mula sa office communications kung tapos na ang working hours nito.
Sa ilalim ng House Bill 9735 ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, aamyendahan ang Presidential Decree No. 442 o Labor Code of the Philippines, upang hindi na pagtrabahuhin ng mga employer ang kanilang mga empleyado sa labas ng oras ng trabaho ng mga ito.
Ani Rodrigue, layunin nito na magkaroon ng balanse ang work, family at personal life ng mga empleyado.
Inihalimbawa nito na sa bansang France ay may batas na nagbibigay ng karapatan sa mga empleyado na mag-disconnect sa email, smartphone, at iba pang electronic gadget kapag tapos na ang kanilang oras ng trabaho.
“According to their Ministry of Labor, the law is designed to ensure respect for rest periods and…. balance between work and family and personal life,” sabi ni Rodriguez.
Mayroon din aniyang pag-aaral na nagdudulot ng anticipatory stress ang after-hours e-mails na nauuwi sa burnout at physical, psychological o emotional distress dahil sa kawalan ng pahinga.
Sa ilalim ng panukala, hindi maaaring parusahan ang isang empleyado kung hindi ito nakasagot sa work-related communication na ipinadala sa kanya na lagpas sa oras ng pasok sa trabaho.
Ang employer naman ang inatasan na maglatag ng polisiya kaugnay nito gaya ng kung anong oras maaaring hindi sumagot ang empleyado sa mga work-related email, text, o tawag alinsunod sa ilalabas na rules and regulations ng kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sakop nito ang mga manggagawa sa pribadong sektor. | ulat ni Kathleen Forbes