Nagpaalala si Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera sa mga otoridad na tiyakin nasusunod ang tamang implementasyon ng Kasambahay Law.
Kasunod na rin ito ng pag-apruba ng minimum wage order para sa CARAGA Region at NCR.
Punto ng mambabatas na batay sa batas, dapat ay inirerehistro sa kada barangay ang lahat ng kasambahay na nagtatrabaho sa kanilang nasasakupan.
Ngunit hindi lahat ng employer ay nakakatalima dito.
Batay aniya sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) tinatayang nasa 2 milyon ang nagtatrabaho sa mga private household… ngunit ang bilang na ito ay hindi repleksyon ng tunay na bilang ng mga kasambahay.
Katunayan, sa datos ng PSA at DOLE noong 2019 sinabi ni Herrera na 35,355 lamang ng mga kasambahay ang may kontrata, anim na porsyento o 84,190 ang may SSS, limang porsyento ang naipasok sa Philhealth at 3.4 percent lang ang naka-enroll sa PAG-IBIG.
Kaya naman kung hindi aniya maipatutupad ng tama ang Kasambahay Law ay wala ring kasiguruhang mapakikinabangan ng mga household workers ang bagong monthly wage hike na nagkakahalaga ng P500.| ulat ni Kathleen Jean Forbes