Pinasinayaan ng Western Mindanao State University sa pakikiisa ng Commission on Higher Education (CHED) ang “Balangkas ng Pagkamalikhain sa Lalong Mataas na Edukasyon” na isinagawa sa lungsod ng Zamboanga kamakailan.
Sa mensahe ni CHED Chairperson J. Prospero de Vera III, layon ng naturang summit na pagyamanin ang pagkamalikhain, imahinasyon, at innovation sa Philippine Higher Education Institutions (PHEIs).
Binigyang diin nito ang kahalagahan ng Republic Act 11904 o kilala bilang Philippine Creative Industries Development Act na isinabatas noong Hulyo 28 ng nakaraang taon at ang mahalagang papel nito sa pag-unlad ng ekonomiya.
Sa ilalim ng naturang batas, ang CHED ay minamandato na makipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor sa pagbuo ng Creative Educational Plan para mapalakas ang mga napapabilang sa creative industries ng bansa.
Kabilang din ang pagbuo ng mga polisiya, programa, scholarships para sa mga mag-aaral na nasa basic education, kolehiyo, at post-graduate students, at ang pagtukoy sa Creative Centers for Excellence sa pakikiisa ng pribadong sektor at akademya.
Kabilang sa mga nakilahok sa kauna-unahang Creativity Summit in Philippine Higher Education ang regional directors ng CHED, mga propesor ng iba’t ibang HEIs, mga kinatawan ng national government agencies, at stakeholders. | ulat ni Justin Bulanon | RP1 Zamboanga