Isinagawa sa Tokyo, Japan ang kauna-unahang Joint Staff Talks sa pagitan ng Pilipinas, Estados Unidos, Australia at Japan, na layong isulong ang rules based international order.
Ang pagpupulong na nagsimula nitong Nobyembre 28 at tatagal hanggang Disyembre 1, ay nagbunga mula Japan-PH-AUS-US Defense Ministerial Meeting sa Singapore noong Hunyo 3, 2023.
Ang mga delegasyon ng apat na bansa ay pinangunahan nina: Asst. Vice Minister (AVM) Mike Kitcher, Deputy Chief of Joint Operations ng Australian Defense Forces; MGen Nobutaka Minamikawa, Defense Plans and Policy Department, J5, Japan Self-Defence Force; MGen Jay Bargeron, Director for Strategic Planning and Policy Directorate, J5, US Indo-Pacific Command; at BGen Rommel Cordova, Assistant Deputy Chief of Staff for Plans, AJ5, Armed Forces of the Philippines.
Tiniyak ng mga delegasyon ang kanilang commitment sa bisyon ng isang Malaya at bukas na Indo-Pacific Region.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, ang pakikilahok ng AFP sa pagpupulong ay demonstrasyon ng kanilang commitment na makipagtulungan sa mga kaalyadong bansa sa pagtataguyod ng interes pandepensa ng Pilipinas at seguridad ng Indo-pacific region. | ulat ni Leo Sarne