Nanawagan si Senadora Imee Marcos para sa patuloy na pagpapatupad ng Executive Order 28 na ipinalabas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pagbabawal ng paggamit ng mga paputok.
Ayon kay Marcos, obligado ang administrasyon na pagtibayin ang dating EO.
Pinunto ng senadora na sa ilalim ng administrative code, ang mga executive order ay mga utos ng Pangulo na itinuturing na permanente.
Giniit rin ni Senadora Imee na may magandang dahilan para sa pagpapatupad ng naturang kautusan.
Aniya, ang maling paggamit ng mga paputok ay kayang gawing isang medical emergency o trahedya ang isang selebrasyon.
Dapat aniyang salubungin natin ang bagong taon nang kumpleto ang ating mga daliri, paa at buhay. | ulat ni Nimfa Asuncion