Pinaalalahanan ng mga mambabatas na miyembro ng House Committee on Legislative Franchises na may pananagutan ang SMNI sa maling impormasyon na inilabas ng ilan sa mga host ng programa na umeere sa kanilang network.
Ang pagdinig ng komite ay nag-ugat sa privilege speech ni House Deputy Majority Leader David Suarez kung saan inalam kung may nilabag ang SMNI sa kanilang prangkisa sa pagpapakalat ng fake news.
Partikular dito ang umano’y ₱1.8-billion na gastos sa biyahe ni Speaker Martin Romualdez.
Batay kasi sa records ng Kamara, nasa ₱4.347-million lang ang travel expense ng House leader mula Enero hanggang Oktubre.
Kung isasama naman ang iba pang miyembro ng Kamara ay nasa ₱35.257-million lang.
Ayon sa Chair ng komite na si Parañaque Representative Gus Tambunting, Vice-Chair at Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel, at Antipolo City Representative Romeo Acop, nagkaroon ng paglabag ang SMNI sa kanilang prangkisa, partikular ang Section 4.
“Bawal sa prangkisa ninyo na magsabi sa publiko ng maling report. Baka ang programa ninyo ginagamit para atakehin ang Kongreso,” sabi ni Pimentel.
Nanindigan naman si Atty. Mark Tolentino, abogado ng SMNI, na walang pananagutan ang network lalo at naglalabas aniya sila ng “disclaimer” na hindi posisyon ng network ang mga pahayag ng mga host nito.
Pero ayon kay Tambunting, kahit pa may “disclaimer” ay malinaw sa Section 4 ng kanilang prangkisa na may pananagutan sila sa maling pagbabalita.
Kalaunan ay humingi naman ng paumanhin ang co-host ng programa na is Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz kay Speaker Romualdez at Kamara.
“Do we take responsibility for that inadvertent failure to conduct proper vetting of the source and the information? Yes po uulitin namin yan. And if kailangan po ulitin dito sa Komite, ang paghingi po ng pag-unawa tungkol sa pangyayari na yan, na nasaktan ang integridad ni Speaker Martin Romualdez, at ng institution ng Kongreso dahil sa ganitong pangyayari, I take full responsibility. In behalf of the program, anchor, in my personal capacity, and even from the station,” saad ni Celiz. | ulat ni Kathleen Jean Forbes