Nais ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senadora Grace Poe na matiyak na magkakaroon ang bansa ng sapat at malinis na tubig sa kabila ng banta ng El Niño sa susunod taon.
Ikinatuwa naman ni Poe ang ibinigay na katiyakan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na naghanda sila ng husto para maibsan ang water shortage na nararanasan ng mga consumer kapag panahon ng tagtuyot.
Kaugnay dito ay pinasisiguro ni Poe sa MWSS na may malinis at sapat na tubig na dadaloy sa bawat tahanan sa bansa.
Umaasa ang senadora na hindi aabot sa puntong kakailanganing pumila ng mga kababayan natin para marasyunan lang ng malinis na tubig.
Kasabay nito, sinabi ni Poe na patuloy ang pagpupursigi nilang maipasa ang panukalang batas na lilikha sa Department of Water Resources (DWR) para magkaroon ng komprehensibo at integrated development ng pangangasiwa ng ating water resources.
Aniya, napapanahon na para sa pagkakaroon ng bagong ahensya lalo’t tumataas ang demand sa tubig. | ulat ni Nimfa Asuncion