Inatasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga kumpanya ng bus at operator na tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang mga probinsya ngayong Kapasakuhan.
Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, binigyan na niya ng direktiba ang mga kumpanya ng bus na magpatupad ng mga safety measure kabilang na ang mahigpit na pagsunod sa traffic regulation, tamang maintenance ng mga bus, at komportable at maayos na bus para sa mga pasahero.
Hinimok din ni Guadiz ang mga bus operator na bigyang prayoridad ang kalagayan at kaligtasan ng mga bibiyahe ngayong holiday season.
Nagbabala naman ang opisyal na maaaring patawan ng mataas na multa at pagsuspindi sa kanilang prangkisa kapag lumabag sa mga alituntunin ng LTFRB.
Samantala, nasa 1,080 na units naman ng mga bus ang nabigyan ng special permit ng LTFRB para matiyak na may sapat na masasakyan ang publiko ngayong holiday season.
Ito ay epektibo simula December 15 hanggang January 14. | ulat ni Diane Lear