Muling nagpaalala ngayon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga pumapasadang PUV ngayong holiday season.
Ayon sa LTFRB, nakatutok ito hindi lang sa biyahe kundi pati sa mga napapaulat na pananamantala ng ilang driver.
Sa katunayan, alinsunod sa Joint Administrative Order 2014-01 at Memorandum Circular 2011-004, kinikilala ng LTFRB bilang paglabag sa batas ang labis o kulang na paniningil ng pamasahe, pagtanggi at pangongontrata sa pasahero at mabilis, depektibo, at “tampered” na taxi meter.
Ayon sa LTFRB, mayroong kahaharaping parusa ang mga operator o tsuper sakaling mapatunayan ang kanilang mga paglabag.
Kabilang dito ang multang P5,000 para sa unang paglabag; P10,000 at impoundment o pagbatak sa pampublikong sasakyan sa second offense at P15,000 at kanselasyon ng Certificate of Public Convenience (CPC) sa ikatlong paglabag.
Kaugnay nito, muling pinayuhan ng LTFRB ang mga komyuter na doblehin ang pag-iingat at pagiging alerto sa biyahe upang maiwasan ang pagiging biktima ng anumang pananamantala sa mga pampublikong transportasyon.
Kung mangyaring makaranas o makasaksi ng problema o aberya sa biyahe, maaari itong ipagbigay-alam sa LTFRB hotline (1342) o makipag-ugnayan sa official social media accounts nito upang agad na maaksyunan ang concern. | ulat ni Merry Ann Bastasa