Ngayong inaasahan na ang bugso ng mga biyahero sa mga terminal at pantalan, naglabas na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng ilang tips upang matiyak ang kaligtasan ng mga tsuper at komyuter sa gitna ng holiday season.
Ayon sa LTFRB, sa panahon ng pagdiriwang sa Pasko at Bagong Taon, hangad nitong mas maging makabuluhan ang bakasyon sa pamamagitan ng ligtas na biyahe.
Kabilang sa rekomendasyon nito sa mga pasahero at tsuper ang planuhin ng mabuti ang lakad kasama na ang lagay ng panahon sa iyong destinasyon.
Tiyaking nasa maayos na kondisyon ang sasakyan bago bumiyahe at maging ang sarili.
Huwag magmaneho kung nakainom ng alak at maging alisto at siguruhing may sapat na pahinga bago bumiyahe.
Hanggat maaari, huwag rin aniyang gumamit ng cellphone o iba pang bagay na makakaabala habang nagmamaneho.
Ugaliin ding sumunod sa batas trapiko at panatilihin ang angkop na distansya sa ibang sasakyan.
Kung namamasada, magbaba at magsakay ng pasahero sa angkop at nakatakdang lugar ng babaan at sakayan.
At, pumarada sa tamang lugar upang hindi makaabala sa mga pasahero o sa bigat ng trapiko. | ulat ni Merry Ann Bastasa