Hindi na mag-iisyu ng paper-printed driver license ang Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, nakapag-secure na ang LTO ng humigit-kumulang apat na milyong plastic card na higit pa sa sapat upang maalis ang backlog sa driver’s license.
Bunga ito ng iakyat ng Office of the Solicitor General sa Court of Appeals ang injunction order na inisyu ng Quezon City court may kaugnayan sa delivery ng natitirang 3.3 million plastic cards na nabili sa unang bahagi ng taon.
Sakaling magpasya ang Court of Appeals na pabor sa petisyon ng OSG, mangangahulugan ito ng karagdagang 3.3 million plastic cards bukod pa sa apat na million plastic cards na inaasahang mai-deliver sa susunod na buwan.
Samantala, sa mga license plates naman, humigit-kumulang isang milyong metal plate ang kasalukuyang ginagawa bawat buwan.
Sinabi ni Mendoza na nabura na ang backlog sa mga four-wheel vehicles.| ulat ni Rey Ferrer