Umapela si Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II sa mga motorista na huwag magmaneho ng nakainom lalo pa’t kabi-kabilaan ang mga Christmas party ngayong holiday season.
Ayon kay Mendoza, bukod sa posibilidad na mahuli sa paglabag sa Republic Act No. 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 ay maaari ring maaksidente sa kalsada at madamay ang ibang motorista.
Paalala ng opisyal, kung hindi maiiwasan na uminom ay tiyakin na mayroong magmamaneho pauwi o ‘di kaya ay mag-commute na lang pauwi.
Ang babala ni Mendoza ay alinsunod sa direktiba ni Transportation Secretary Jaime Bautista na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng road users lalo pa’t inaasahan na tataas ang volume ng mga sasakyan ngayong holiday season.
Batay sa datos ng World Health Organization, nasa 12,000 Piipino ang namamatay kada taon dahil sa aksidente sa kalsada. | ulat ni Diane Lear