Umabot na sa 4,864 motor vehicles ang nahuli ng mga enforcer ng Land Transportation Office (LTO) sa isang buwang pagpapatupad nito ng ‘No Registration, No Travel’ policy.
Batay sa datos ng LTO, pinakamarami na ang nahuling delinquent motor vehicles sa Region II na umabot sa 657 na sinundan ng Region VIII (Eastern Visayas) na may nahuling 531, at Region IV-B (MIMAROPA) na nakahuli ng 514 hindi rehistradong motor at sasakyan.
Nasa 386 delinquent motor vehicles din ang nahuli sa Region IX (Zamboanga Peninsula), 357 sa Region XI (Davao Region) at 251 sa Region XII (SOCCSKSARGEN).
Habang aabot rin sa 251 ang mga hindi rehistradong motor vehicles ang nahuli sa Metro Manila.
Ayon naman kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II, inaasahan nito ang patuloy na agresibong operasyon sa pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel’ policy sa mga susunod pang buwan hanggang mai-rehistro ulit ang 24.7 milyong motor vehicles na target ng polisiyang ito.
Kaya naman, patuloy rin itong umaapela sa publiko na boluntaryo nang iparehistro ang kanilang mga sasakyan.
“So we appeal again to all delinquent motor vehicles to voluntarily renew the registration of their motor vehicles. Huwag na ninyong dagdagan ang inyong problema dahil kapag nahuli kayo, mas malaking halaga ng pera ang babayaran ninyo,” Mendoza. | ulat ni Merry Ann Bastasa