Niyanig ng magnitude 5.9 na lindol kaninang 4:23pm ang Lubang, Occidental Mindoro ayon sa opisyal na datos ng PHIVOLCS.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Lucena kay Lubang Mayor Michael Oryani kaugnay ng lindol, malakas ang naramdamang pagyanig sa kanilang bayan at bagamat hindi na bago sa kanila ang mga lindol, isa ang pagyanig kanina sa pinakamalakas nilang naranasan sa mga nagdaang taon.
Dagdag pa ng alkalde, hindi pa batid ang lawak ng pinsalang iniwan ng lindol at nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang damage assessment ng local na pamahalaan.
Nagpaalala naman ang punong bayan sa mga mamamayan ng Lubang na patuloy na mag-ingat at maging alerto para sa mga posibleng aftershock.
Ayon sa tala ng PHIVOLCS, ang Lubang Island, ang sentro ng 5.9 magnitude na lindol kanina na naramdaman din sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Batangas, Quezon, at iba pang bahagi ng Luzon.
Ayon naman sa opisyal na pahayag ng NGCP, nananatiling stable sa kabila ng pagyanig ang power transmission services sa buong Luzon Grid. Nananatili rin aniyang intact ang power grid at wala naming naitatalang kaso ng power interruption at damaged transmission facilities sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.| ulat ni Joshua Miguel Suarez| RP1 Lucena