Mabigat na daloy ng trapiko ang nararanasan sa northbound lane ng Roxas Boulevard sa pagitan ng mga lungsod ng Pasay at Parañaque ngayong araw.
Dulot ito ng pagsasara ng EDSA-Roxas Boulevard Flyover simula kahapon dahil sa isasagawang pagkukumpuni rito ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Batay sa abiso ng DPWH, magtatagal ang pagkukumpuni sa nasabing tulay hanggang sa December 30 ng taong kasalukuyan.
Dahil dito, umabot na ang buntot ng trapiko sa panulukan ng Roxas Boulevard, panulukan ng MIA Road at magtutuloy-tuloy iyan hanggang sa bahagi ng Redemptorist Church sa Barangay Baclaran.
Kasunod nito, inaabisuhan ng Parañaque City Traffic and Parking Management Office ang mga motorista na planuhin ang biyahe lalo’t nakadagdag pa sa pagbibigat ng daloy ng trapiko ang mga nagtitinda sa harap ng Baclaran Church.
Gayundin ang dagsa ng mga nagsisimba lalo pa’t tuwing araw ng Miyerkules ay araw ng pagdedebosyon sa naturang simbahan. | ulat ni Jaymark Dagala