Sisimulan na ng Maharlika Investment Fund (MIF) ang pamumuhunan sa national development fund na siyang sasagot sa kinakailangan ng bansa at paglikha ng trabaho.
Ayon kay Maharlika Investment Corporation (MIC) President at CEO Joel Consing, kapag nakakuha ang MIF ng sobrang pondo maaring i-roll-out ang iba pang investment opportunities kabilang na ang fixed income instrument, domestic at corporate bonds.
Sinabi ni Consing, na ang blueprint ng MIF ay nakalaan sa turismo, infrastructure, digital infrastructure at agro-forestry industrial urbanism.
Ayon sa MIC Chief, magsisimula muna sa national development fund sa unang lima hanggang pitong taon at kapag may excess funds na ay maaari na itong mag-invest sa markets.
Dagdag ni Consing, ang lahat ng kanyang plano ay dadaan sa pag apruba ng MIC board of directors kung saan ang mga miyembro nito na inaasahang ia-announce ng Malacañang sa lalong madaling panahon.
Sa ngayon may initial funding ang MIF na P75 billion mula sa Landbank at DBP at inaasahang aakyat sa P125 billion pesos.
Nakatakda ring magsagawa ng roadshow para maka engganyo ng mga investor para sa kauna-unahang sovereign wealth fund ng bansa. | ulat ni Melany Valdoz Reyes