Mahigit kalahating milyong piso na halaga ng medical equipment mula sa Department of Health (DOH) ang ipinasakamay sa lokal na pamahalaan ng bayan ng Basista, Pangasinan para sa kanilang bagong tayong Super Health Center.
Kabilang sa mga gamit na personal na tinanggap ni Basista Mayor Jolly Resuello ay biological safety cabinet, clinical at Hematocrit centrifuge, emergency cart, hemoglobinometer laboratory ovendry, medicine cabinet, microscope, oxygen tank na mayroon nang laman at wheeled stretcher.
Sa kabuuan, umaabot sa P553,781.69 ang halaga ng mga gamit na naibigay ng DOH para sa Super Health Center ng nasabing bayan na matatagpuan sa Sitio Daragin, Barangay Dumpay.
Ayon naman kay Mayor Resuello, ang mga nabanggit na kagamitan ay ilan lamang sa mga nakatakdang ibigay sa kanila ng Kagawaran ng Kalusugan upang magawa nilang mas mailapit pa ang mga serbisyong medikal ng pamahalaan sa kanilang nasasakupan.
Matatandaan na November 24 nang gawin ang pagbasbas at pagpapasinaya sa bagong tayong health facility sa bayan ng Basista. | via Ruel L. de Guzman, RP Dagupan
📷 Mayor JR Resuello