Tiniyak ni Senador Sherwin Gatchalian na may inilaang ₱210-million sa ilalim ng 2024 National Budget para sa pagpapatupad ng mga programa at adbokasiya sa mental health ng Department of Education (DepEd).
Iginiit ng senador na mahalagang matutukan ang pagpapatibay at epektibong pagpapatupad ng mga programa ng ating mga paaralan para sa mental health.
Dahil dito, sinigurado aniya ng Senate Committee on Basic Education chairperson na mapaglalaanan ng pondo ang mga programang ito sa ilalim ng pambansang pondo ng susunod na taon.
Ipinunto ng senador na sa mga international large-scale assessments, mataas ang bilang ng mga insidente ng bullying sa mga paaralan sa bansa.
Batay sa pagsusuri ng tanggapan ng senador sa datos ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), lumalabas na mas maraming mga mag-aaral sa bansa ang nakakaranas ng pambu-bully (63.2%), aggression (9.2%), karahasan (12.3%), at offensive behavior (28.8%) kung ihahambing sa ibang mga mag-aaral sa Timog-Silangang Asya.
Lumabas din sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na isa sa tatlong mag-aaral na 15-taong gulang ang nakaranas ng bullying nang hindi bababa sa isang beses sa isang linggo.
Kaya naman isinusulong ni Gatchalian ang pagsasabatas ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill 2200) para gawing institutionalized ang School-Based Mental Health Program.
Inaprubahan na sa huli at ikatlong pagbasa sa Senado ang naturang panukala noong nakaraang Setyembre. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion