Muling pinalutang ni Anakalusugan Party-list Representative Ray Reyes ang panukala na buwisan ang junk food at matatamis na inumin.
Para sa mambabatas ang kikitaing buwis mula dito ay magagamit para madagdagan ang pondo ng Universal Health Care program.
Aniya sa mga nakalipas na taon ay tumaas ang budget at gastos para sa kalusugan,pero hindi naman nadagdagan ang pondo ng UHC sa ilalim ng pambansang pondo.
Kaya naman umaasa ito na matalakay at tuluyang mapagtibay ang panukala na patawan ng dagdag na tax ang junk food at sweetened beverages para mabuhusan ng pondo ang public health facilities gayundin ang laban kontra diabetes at obesity.
Tinukoy ng kongresista na batay sa projection sa ilalim ng 2024 Budget Expenditure and Sources of Financing, maaaring kumita ng dagdag na revenue ang Bureau of Internal Revenue mula sa sweetened beverage at junk food tax ng hanggang P68.5 billion.
“Sa pagpasok ng dagdag pondo na ito, inaasahan natin na bubuhusan ng pondo ang ating public health facilities, lalo na ang mga barangay health care centers at rural health units na siyang unang takbuhan ng ating mga kababayan sa kanayunan. Once implemented, we will be able to provide more revenue for the government and also contribute in the fight against diabetes, obesity, and non-communicable diseases related to poor diet,” sabi ni Reyes. | ulat ni Kathleen Jean Forbes