Nag-abiso ngayon ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa ipatutupad na dagdag singil sa tubig sa mga customer ng Maynilad at Manila Water simula sa 2024.
Ito ay sa ilalim pa rin ng inaprubahang rate rebasing adjustments para sa dalawang water concessionaire na nagsimula noong 2023 at tatagal hanggang 2027.
Magiging epektibo ang ikalawang tranche ng dagdag singil simula sa January 1, 2023
Ibig sabihin, para sa mga customer ng Maynilad na kumukonsumo ng mas mababa sa 10 cubic meter o mga low income lifeline customers, nasa P4.74 lang ang madadagdag sa kanilang water bill, dagdag na P26.61 naman ito sa regular lifeline customers, dagdag na P100.67 naman sa buwanag singil para sa kumukonsumo ng 20 cubic meter kada buwan, habang may adjustment na P205.87 naman sa mga customer na may konsumong 30 cubic meter.
Sa Manila Water naman, nasa P2.96 lang ang dagdag sa mga low-income lifeline customers, dagdag na P34.13 sa mga kumukonsumo ng 10 cubic meter kada buwan, dagdag na P76.68 naman sa buwanag singil para sa kumukonsumo ng 20 cubic meter kada buwan, habang may adjustment na P154.55 naman sa mga customer na may konsumong 30 cubic meter.
Humingi naman ng pang-unawa sa mga customer ng Maynilad at Manila Water si MWSS RO Chief Regulator Patrick Lester N. Ty sa dagdag na singil sa tubig na sasalubong sa kanila sa enero.
Sa kanilang panig, sisiguruhin aniya ng MWSS Regulatory Office na tututukan ang mga proyekto ng dalawang kumpanya bilang paghahanda sa epekto ng El Nino at upang walang maging krisis sa suplay ng tubig sa susunod na taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa