Umapela si Senador Sherwin Gatchalian na maging masinop sa paggamit ng kuryente o enerhiya habang ipinagdiriwang ang mahabang holiday season, kung kailan mataas ang konsumo sa kuryente.
Ito ang panawagan ni Gatchalian kasabay ng paggunita ng National Energy Consciousness Month ngayon.
Giit ni Gatchalian, sana ay hindi lang sa buwang ito kundi sa buong taon tayo maging masinop sa kuryente para makita ang kahalagahan ng responsableng paggamit ng enerhiya.
Anuman aniyang responsableng energy practices ay hindi lang para sa pagtitipid ng pera, kundi matitiyak din nito ang sustainability at pagbabawas ng environmental impact bunsod ng mataas na konsumo ng kuryente.
Binigyang diin rin ng mambabatas na kailangang magtipid sa enerhiya dahil sa inaasahang pagdating ng El Niño phenomenon sa susunod na taon.
Ngayon pa lang aniya ay dapat nang tiyakin na magkakaroon ang ating bansa ng sapat na suplay ng enerhiya para masiguro na matutugunan ang pangangailangan ng kuryente ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion