Kinalampag nina House Committee on Dangerous Drugs Chair Robert Ace Barbers ang National Bureau of Investigation (NBI) kung bakit hanggang ngayon ay wala pang nahuhuli at nasasampahan ng kaso kaugnay sa nasabat na 560-kilo drug shipment sa Mexico, Pampanga.
Ayon kay Barbers, baka mauwi na naman ito sa isang krimen na wala ang kriminal.
Sinabi naman ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Moro Virgilio Lazo na humingi si NBI Task Force Against Illegal Drugs head Ross Jonathan Galicia ng isa’t kalahating buwan, mula noong October 19 para makapaghain ng kaso, pero bigo ito.
Kaya naman inatasan ni Barbers ang NBI na hanapin ang negosyanteng si Willy Ong na siyang may-ari ng warehouse sa Barangay San Jose Malino kung saan pinadala ang naturang shipment ng droga at iharap sa susunod na pagdinig ng komite.
“This is your project. You have to hunt down this Willy Ong and bring him to this committee in the next hearing,” ani Barbers.
Aminado naman si Galicia na hindi nila alam ang itsura ni Ong ngunit nakikipag-ugnayan na sa Department of Foreign Affairs, Land Transportation Office, at iba pang ahensya para sa records nito.
Nangako rin si Galicia na bago matapos ang taon ay magsasampa na ng asunto laban sa mga unnamed persons of interest kaugnay sa kaso. | ulat ni Kathleen Jean Forbes