Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) sa publiko ang kahandaan nito na rumesponde sa anumang alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente ngayong Kapaskuhan.
Bagamat sarado ang mga business center ng Meralco sa December 25, 26, 30, at January 1 na mga araw na idineklarang holiday, nakaantabay 24/7 ang mga crew ng kumpanya para matiyak na maliwanag at masaya ang pagdiriwang ng customers nito ngayong holiday season.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, patuloy ang Meralco sa pagtitiyak na nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga pasilidad lalo na ngayong Kapaskuhan.
Nagpapaalala din si Zaldarriaga sa mga customer nito, na ugaliin ang ligtas na paggamit ng kuryente
para iwas-aksidente at maging masaya ang mga pagdiriwang ng Pasko.
Nagbigay din ng tips ang Meralco sa mga customer nito kaugnay sa ligtas na paggamit ng kuryente upang maiwasan ang aksidente gaya ng:
– Paggamit ng Christmas lights na may quality markings.
– Iwasan ang paggamit ng mga pako at mga thumb tack sa pagkabit ng mga Christmas light.
– Iwasan ang ‘octopus’ connection at overloading.
– Tanggalin sa pagkakasaksak ang mga Christmas light at iba pang appliance na hindi ginagamit.
– At tiyaking may nakahanda na fire extinguisher sa bahay. | ulat ni Diane Lear