Kumpiyansa ang National Economic and Development Authority o NEDA na magpapatuloy pa rin ang paglago ng ekonomiya sa susunod na taon.
Ito’y sa kabila na rin ng mga kinahaharap na hamon ng bansa gaya ng inflation, paglikha ng mas maraming trabaho gayundin ang epektong dulot ng El Niño Phenomenon.
Sa isinagawang Year End Press Chat sa Pasig City ngayong araw, sinabi ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na paiigtingin pa ng Pamahalaan ang mga hakbang nito upang maibsan ang epektong dulot ng El Niño sa sektor ng Agrikultura.
Nakatutok aniya ang iba’t ibang ahensya sa sekto ng tubig, enerhiya, agrikultura, kalusugan at iba pa dahil inaasahang tatagal pa ang epekto ng El Niño hanggang ikalawang bahagi ng susunod na taon.
Giit pa ni Balisacan, kailangan aniya ng isang komprehensibo at coordinated science based approach kontra El Niño, upang mabilis na naipatutupad ng Pamahalaan ang mga programa nito.
Mahigpit din aniyang minomonitor ng binuong Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook ang suplay at demand sa bansa lalo’t malaki ang impact aniya nito sa presyo ng mga bilihin. | ulat ni Jaymark Dagala