Tinanggap na ng may 2,000 magulang at guardians ng mga estudyanteng benepisyaryo ng Tara, Basa! Tutoring Program ang kanilang cash-for-work mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Isinagawa ang payout ng DSWD sa Valenzuela City People’s Park Amphitheater ngayong araw.
Kapalit ng pagdalo sa Nanay-Tatay learning sessions, binibigyan ng kabayaran na P235 kada session ang mga magulang at guardians.
Kinakailangan din nilang asistihan ang kanilang mga anak sa paghahanda ng kanilang mga pangangailangan para sa pag-aaral at pagbabasa, at sa kanilang mga assignment pagkatapos ng pagbabasa.
Ang Tara, BASA! Tutoring program ay isa sa mga inisyatiba ng DSWD na layong matugunan ang pangangailangan ng college students sa mahihirap na kalagayan.
Gayundin ang mga elementary learner na na-assessed na nahihirapan o mga non-reader. | ulat ni Rey Ferrer