Kaniya-kaniyang diskarte ang mga namimili ng bilog na prutas sa Marikina City Public Market, apat na araw bago ang Bagong Taon.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, kapansin-pansin na patingi-tingi ang bili ng ilan nating kababayan ng mga bilog na prutas para ihanda sa Medya Noche.
Kabilang sa mga binibili ng ilang nagtitipid na mamimili ay ang Ponkan na nagkakahalaga ng ₱15 hanggang ₱20 kada piraso depende sa laki.
Habang ang seedless Grapes naman, ₱75 kada 1/4 kilo ang binibili ng ilan sa ating mga kababayan.
Gayunman, umaasa ang ilang nagtitinda ng mga bilog na prutas na muling sisigla ang bentahan ng kanilang mga paninda ngayong darating na weekend o mula December 30 hanggang 31.
Samantala, nagpaabiso naman ang pamunuan ng Marikina City Public Market na bawal pumasok ang lahat ng uri ng sasakyan, motorsiklo, e-bike at bisikleta sa loob ng market zone sa December 30 hanggang 31.
Ito’y para bigyang-daan ang delivery ng mga pangunahing bilihin sa palengke gaya ng baboy, manok, isda, itlog at yelo sa main entrance na nasa bahagi ng P. dela Paz corner M. Cruz St., at lalabas sa may E. dela Paz corner Sumulong. | ulat ni Jaymark Dagala