Binigyan na ng tulong pinansyal ng National Housing Authority (NHA) ang mga pamilyang sinalanta noon ni Super Typhoon Odette sa Cebu.
Kabuuang P67.45-million ang inilabas ng NHA mula sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) para sa 6,745 pamilyang benepisyaryo.
Bawat pamilya ay nakatanggap ng P10,000 na makatutulong sa pagpapaayos ng kanilang mga tahanan mula sa pinsala ng bagyo.
Magpapatuloy ang pamamahagi ng tulong hanggang sa Disyembre 27 at 28 ngayong taon.
Kabilang sa mga pamilyang benepisyaryo ay mula sa 17-barangay ng Mandaue City, Cebu na kinabibilangan ng Brgy. Alang-Alang, Basak, Cabancalan, Canduman, Casili, Casuntingan, Centro, Cubacub, Guizo, Ibabao, Jagobiao, Maguikay, Mantuyong, Pagsabungan, Tabok, Tawason, at Tingub.
Hinagupit ng Super Typhoon Odette ang Pilipinas noong Disyembre 16, 2021, at isa sa mga pinakamatinding tinamaan ang Cebu.
Aabot sa 31,607 na pamilya ang lubhang naapektuhan matapos makawasak ng 404,653 na kabahayan at makapinsala ng dagdag pang 1,704,205 tahanan.| ulat ni Rey Ferrer