Hindi pa gaanong ramdam ang buhos ng mga bakasyonistang mag-uuwian ng probinsya sa bus terminal ng Victory Liner sa Cubao.
Kapansin-pansin na kakaunti pa lang ang bumibyahe ngayong umaga at hindi rin napupuno maging ang mga ticketing booth.
Ayon sa ilang dispatcher ng bus terminal, inaasahan nilang sa Biyernes pa magsisimulang dumagsa ang mga pasahero.
Mayroon namang gaya ni Mang Oscar na maaga nang lumuwas pa-Bataan ngayon para hindi na makipagsabayan sa maraming pasahero.
Kwento niya, isang beses lang sa isang taon siya nakakauwi ng probinsya kaya nilulubos na niya ito at maaga nang nagle-leave sa trabaho.
Nakahanda naman na ang terminal sa pagdagsa ng mga pasahero na naglatag na tent at dagdag na mga upuan para sa mga chance passenger.
Mayroon ding karagdagang bus ang inaasahang bibiyahe sa bisa ng special permit mula sa LTFRB. | ulat ni Merry Ann Bastasa