Mahigit isang milyong Pilipino na dumaranas ng chronic kidney disease ang makikinabang na sa programang ACT NOW o “Addressing Complications Today through Network of Warriors” na ipatutupad sa 12 lalawigan sa bansa.
Ito’y matapos lagdaan ng Department of the Interior and Local Government at ng AstraZeneca Philippines ang isang memorandum of understanding kasama ang 12 target provinces.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, nilalayon ng programa na labanan ang cardio-renal complications ng diabetes at hypertension at lumikha ng karagdagang awareness sa chronic kidney disease sa pamamagitan ng risk factor identification at maagang screening.
Sa ilalim ng MOU, ang bawat isa sa 12 lalawigan ay tatanggap ng UACR o Urine Albumin Creatinine Ratio Test machine, isang equipment na ginagamit sa pagsusuri at pag-iwas sa Chronic Kidney Disease.
Bawat UACR Machine ay kayang makapagsilbi ng 20,000 pasyente. Sa kabuuang 12 lalawigan, mapagsilbihan nito ang mahigit isang milyong Pilipino.
Batay sa datos, may pagtaas ng 46% ang bilang ng Pinoy patients ang may chronic kidney disease.
Sa ngayon, may 18 lungsod at lalawigan sa buong bansa ang opisyal nang partner ng ACT NOW program, 11 sites ay sa Luzon, 4 sa Visayas, at tatlo sa Mindanao. | ulat ni Rey Ferrer