Binalaan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga tauhan na masasangkot sa indiscriminate firing ngayong Pasko at Bagong Taon na mahaharap sila sa administratibo at kriminal na kaso.
Ang babala ay ginawa ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo kasunod ng inilabas na direktiba ng PNP Directorate for Operations na hindi na seselyuhan ang baril ng mga pulis.
Paliwanag ni Fajardo, kasama sa kinokonsidera sa hindi pagpapatupad ng “muzzle-taping” ng baril ng mga pulis ay ang posibilidad na makaapekto ito sa mabilis na pagresponde sa mga krimen.
Ayon sa PIO Chief, nakita naman nilang mayroon nang mga pagbabago sa behavior ng mga pulis at epektibo ang pagpapatupad ng hindi pagseselyo ng baril.
Base sa datos ng PNP, noong 2021 ay mayroong 25 insidente ng illegal discharge of firearms at isa dito ang nasaktan.
Tumaas ang bilang na ito noong 2022 kung saan 26 ang kaso ng illegal discharge of firearms at 10 ang nasaktan. | ulat ni Leo Sarne