Mga residente sa ilang lugar sa Bulacan, pinag-iingat dahil sa patuloy na spilling operation sa Angat at Ipo Dam
Inalerto na ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga residente sa low lying areas sa posibleng pagtaas ng tubig sa ilog sa ilang lugar sa Bulacan .
Kaugnay ito sa patuloy na pagpapakawala ng tubig sa Angat at Ipo Dam hanggang sa mga oras na ito.
Partikular na pinag iingat ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog ng Angat, Norzagaray, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, Calumpit Paombong at Hagonoy.
Sa abiso ng PAGASA Weather Bureau, patuloy pa ang spilling operation sa dalawang dam.
Hanggang alas 8 ng umaga, nasa 213.39 meters ang water elevation ng Angat Dam na mataas pa rin sa normal water level nito.
Abot na sa 145.50 Cubic meters per second (CMS) ang total discharge sa dalawang dam sa kasalukuyan.
Ayon sa PAGASA, makakaranas pa ng mga pag ulan sa bahagi ng Angat at asahan pa na magpapatuloy sa loob ng 24 oras.| ulat ni Rey Ferrer