Pinakikilos ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Department of Trade and Industry (DTI) para pahintuin ng giant online marketplace na Lazada ang online sellers nito sa pagbebenta ng vape mula sa kumpanyang Flava.
Sa gitna ito ng imbestigasyon ng House Ways and Means Committee sa nasabat na smuggled vapes sa Valenzuela na may brand na Flava.
“Flava and e-cigarettes are still in the market, in spite of all being done here. Let us not allow them to continue selling, especially to minors,” ani Rodriguez.
Maliban dito, tinukoy din ng kongresista na aabot sa P800 million na buwis ang hindi nabayaran ng Flava na sana ay nagamit para sa universal healthcare ng mga Pilipino.
Batay sa estima ng Bureau of Customs, ang 1.4 million na piraso ng smuggled Flava vapes ay may total dutiable value na P728 million maliban pa sa excise tax at 12% value added tax.
Lumabas din sa pagdinig na kapwa hindi accredited importer ng vape at e-cigarettes ang Flava at Denkat Philippines. | ulat ni Kathleen Jean Forbes