Pinag-iingat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko laban sa mga nememeke ng complimentary ticket para sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ito’y makaraang masakote ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Special Operations Unit ang tatlong indibidwal na iligal na nagbebenta ng mga MMFF complimentary ticket online.
Ayon sa MMDA, ibinebenta umano ng mga naarestong kawatan ang nasa 46 na complimentary ticket sa social media platform na Facebook sa halagang ₱1,300 hanggang ₱1,500.
Dagdag pa ng ahensya, ibinunyag ng mga nasakoteng suspek sa isinagawang interogasyon ang pinagmumulan ng naturang mga pinekeng MMFF ticket at kanila na itong kinastigo.
Mariin namang kinondena ni MMDA Acting Chair, Atty. Don Artes, na siyang cuncurrent overall Chairperson ng MMFF ang anito’y pananamantala ng ilang indibidwal para kumita ng pera sa panloloko.
Hinimok din ni Artes ang publiko na huwag tangkilikin ang mga ibinebentang MMFF ticket online dahil sinumang mahuhuling bumibili o nagbebenta nito ay mahaharap sa kaukulang parusa sa ilalim ng mga umiiral na batas. | ulat ni Jaymark Dagala