Nagsagawa ngayong araw ng gift-giving activity ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ilang motorcycle rider na bumabaybay sa EDSA northbound.
Nag-ala Santa Claus ang ilang opisyal ng MMDA kabilang sina MMDA Chair Romando Artes, MMDA Assistant General Manager for Operations Assistant Secretary David Angelo Vargas, TDO Director for Enforcement Atty. Vic Nuñez, at Special Operations Group OIC Gabriel Go.
Tinawag ang programa na Ticket or Treat. Ibig sabihin, kapag pasaway na rider, tinitiketan pero kapag sumusunod sa batas trapiko ay may regalong mabibitbit.
Mayroon ding ilang driver ang kahit na may violation ay binibigyang konsiderasyon at inaabutan din ng Pamasko.
Ayon kay MMDA Chair Artes, nasa 1,000 grocery packs ang kanilang ipamimigay sa linggong ito bukod pa sa ipinamamahagi rin ng kanilang mga partner gaya ng kumpanyang Joyride na namigay rin ng t-shirt at bottled water sa mga rider.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ng MMDA ang publiko na planuhing mabuti ang biyahe dahil inaasahang magtutuloy-tuloy na ang pagbigat ng daloy ng trapiko lalo na sa Biyernes kung saan marami na ang paluwas ng mga probinsya.
Nakatakda rin aniyang mag-inspeksyon ang MMDA kasama ang iba pang ahensya sa mga terminal upang masigurong nasa maayos na kondisyon ang mga bibiyaheng bus pati na ang mga driver. | ulat ni Merry Ann Bastasa