Muling umapela ang Metro Manila Development Authority (MMDA_ sa mga lokal na pamahalaan sa nasasakupan nito na magtalaga ng fireworks display zone sa kani-kanilang lokalidad.
Ito’y ayon kay MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes ay para matiyak na ligtas at mapayapa ang pagsalubong ng sambayanang Pilipino sa Bagong Taon.
Sa naging pagpupulong ng Metro Manila Council, tinalakay ng mga alkalde ang paggigiit sa resolusyon ng MMDA salig sa Republic Act 7183 na nagtatakda ng regulasyon sa pagbebenta, paggawa, pamamahagi at paggamit ng paputok at pailaw.
Una nang nanawagan ang Department of Health (DOH) sa Metro mayors na isulong ang programang “Ligtas Christmas sa Healthy Pilipinas” partikular na ang ‘Healthy Handaan, Healthy Celebration at Iwas Paputok’ sa kanilang nasasakupan.
Samantala, pinaalalahanan din ng MMDA ang publiko na itapon nang maayos ang kanilang mga basura partikular na ang mga nagsindi at hindi nagsinding paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. | ulat ni Jaymark Dagala