Ilang araw bago ang pagdiriwang ng Pasko, 985 na Persons Deprived of Liberty (PDL) ang pinalaya ng Bureau of Correction sa pangunguna ni BuCor Chief Ret. Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. kasabay ng culminating activity na isinagawa sa New Bilibid Prison compound sa Muntinlupa City ngayong araw.
Umabot na sa 11,000 PDLs ang napalaya ng BuCor simula nang manungkulan si Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla.
Ayon kay Catapang, ang mga napalayang PDLs ay kabilang sa mga acquitted, maximum sentence served, granted probation at paroled.
Sinabi pa ni Catapang na nakikipagtulungan sila sa Board of Pardons and Parole (BPP) para mas mapabilis ang paglaya ng PDLs na nasa ilalim na ng parole sa Bilis Laya program.
Katunayan aniya ni Catapang, inimbita nila si Chairperson Sergio Rubico Calizo Jr. ng Board of Pardons and Parole para alamin kung ano ang nagiging problema sa paglaya ng PDLs at para mapabilis din ang pagbabalik nila sa kanilang mga pamilya.
Bukod dito, inatasan din ng BuCor chief ang kanilang legal team para pag-aralan ang mga posibleng legal remedies para mapabilis ang paglaya ng PDLs na na nagsilbi na ng kanilang minimum sentence.
Tiwala si Catapang na isa rin itong paraan para maresolba ang decongestion at overpopulation sa loob ng NBP maliban sa paglipat ng ilang PDLs sa iba’t ibang prison and penal farms sa bansa. | ulat ni AJ Ignacio