Nakatakdang pangunahan ng Department of Agriculture Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) ang National Awarding Ceremony ng Young Farmers Challenge Program (YFC) 2023 sa susunod na linggo.
Ayon sa DA, gaganapin ang national awarding sa December 14 sa Development Academy of the Philippines, Tagaytay City kung saan inaasahang dadalo sina Agri Sec. Kiko Laurel Jr. at Senator Imee R. Marcos.
Sa taong ito, may tampok na bagong components sa YFC program kabilang ang Start-Up Category, Upscale Category, at Intercollegiate Category na layong mas mahikayat ang mas maraming kabataan na itaguyod ang agrikultura at agribusiness.
Ang hihiranging National Awardees sa Start-Up Category ay makakatanggap ng karagdagang capital grant na P300,000 habang kalahating milyon naman ang matatanggap na capitalization sa Upscale Category.
Kikilalanin dito ang young farmers na nagpamalas ng kanilang natatanging commitment sa sustainable farming practices, technological innovation, at community engagement.
Kasabay naman ng national awarding, isasagawa rin ang ikatlong YFC summit kung saan tampok ang business forum, lectures sa mga programa sa kabataan at roundtable discussion ng YFC participants kasama ang pribadong sektor. | ulat ni Merry Ann Bastasa