Maliit lang ang epekto ng Noche Buena items sa overall inflation sa bansa ayon yan sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito ay sa kabila ng iniulat ng Department of Trade and Industry Philippines (DTI) na tumaas ang presyo ng 152 Noche Buena items nitong huling linggo ng Nobyembre gaya ng hamon na may dagdag na ₱25 kada piraso at spaghetti sauce na nasa ₱10 rin ang pagtaas.
Ayon kay PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, hindi lahat ng Noche Buena items ay kasama sa ‘basket of commodities’ na binabantayan ng PSA dahil hindi naman ito pangkaraniwang kinukonsumo ng mga Pilipino at tuwing Pasko lamang.
Dahil dito, nakikita ng PSA na hindi magiging kritikal ang epekto nito sa Month on Month Inflation sa bansa kahit sa buwan ng Disyembre.
Matatandaang iniulat ng PSA ang pagbagal sa 4.1% ng inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa sa buwan ng Nobyembre na bunsod ng pagbagal sa inflation sa food and non-alcoholic beverages na nasa 5.7%. | ulat ni Merry Ann Bastasa