Papahintulutan pa ring bumiyahe ang mga unconsolidated jeepneys, UV Express at Filcab units sa kanilang mga ruta kahit na matapos ang deadline ng consolidation application sa December 31, 2023. Gayunpaman, hindi na sila maaaring sumali sa mga kooperatiba o korporasyon.
Nilagdaan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz III kasama ang iba pang miyembro ng board ang memorandum circular 2023-052 noong December 22.
Nakasaad dito na ang mga ruta ng PUV operators na hindi nakahabol sa consolidated transport service entity (TSE) ay maaaring ipagpatuloy ang operasyon hanggang January 31, 2024.
Sa datos ng LTFRB, nakasaad na sa buong bansa, 30% ng traditional jeepneys ang hindi pa consolidated bilang bahagi ng PUV Modernization Program.
Sa nasabing bilang, 73.5% nito o 31,058 jeepneys na hindi pa consolidated ay nasa Metro Manila. Samantalang 66% ng jeepneys ang hindi pa consolidated sa Calabarzon, at 63% sa Zamboanga Peninsula. | ulat ni Jollie Mar Acuyong