Nanindigan ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na kaalyado ng grupo si Bise Presidente Sara Duterte.
Sa pulong-balitaan kahapon, sinabi ni NTF-ELCAC National Secretariat Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. na hindi lang kaalyado ang Bise Presidente, kundi pangalawang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan at co-vice chair ng NTF-ELCAC.
Pinaliwanag ni Torres na ang mga pahayag ng Bise Presidente tungkol sa Joint Oslo Communique ay hindi dapat bigyang-kahulugan na pagtutol sa polisiya ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsusulong ng kapayapaan, pagkakaisa, at kaunlaran.
Giit ni Torres na maaring magkakaiba ang pananaw ng mga lider tungkol sa amnestiya at prosesong pangkapayapaan, pero nagkakaisa sa layuning wakasan ang armadong pakikibaka ng mga komunista sa bansa.
Ang pahayag ni Torres ay sinegundahan naman ni National Security Council Assistant Deputy General Jonathan Malaya at sinabing kapwa layunin ng Pangulo at Bise Presidente na tapusin na ang insurhensya.
Binuweltahan din ni Malaya ang mga mga kritiko ng NTF-ELCAC at sinabing walang posibilidad na mabubuwag ang NTF-ELCAC. | ulat ni Leo Sarne