Muling kinondena ng National Task Force-West Philippines Sea (NTF-WPS) ang naging aksyon ng China ngayong araw laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Ayon sa NTF-WPS, nagdulot ng malubhang pinsala sa supply boat ng Pilipinas ang ginawang pagbangga ng China Coast Guard at ang paggamit nito ng water cannon.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy pa rin ng Filipino vessels ang pagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre.
At iginiit na ang Ayungin Shoal ay nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa kabila ng mga claims and deliberate disinformation na ginagawa ng China.
Ayon din sa pahayag, dinedemand din ng Pilipinas mula sa China na igalang nito ang international law at kinuwestyon ang sinseridad nito para sa mapayapang dayalogo.
Dagdag pa ng NTF-WPS na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pagsunod sa international law partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award. | ulat ni EJ Lazaro