Magpapatuloy ang Philippine National Police (PNP) at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang opensiba laban sa Communist Party of the Philippines – New Peoples Army, at National Democratic Front o CPP-NPA at NDF.
Ayon sa PNP, ito’y bilang paghahanda na rin sa nalalapit na ika-55 anibersaryo ng Kilusang Komunista sa December 26.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, wala rin silang ipatutupad na Suspension of Police Operations (SOPO) gaya ng naging pahayag ng AFP na hindi sila magpapatupad ng Suspension of Military Operations (SOMO).
Magugunitang nito lamang December 17, Linggo, nagkasagupa ang tropa ng Militar at NPA sa Brgy. Malalay sa Balayan, Batangas na nagresulta sa pagkasawi ng isang sundalo at ikinasugat ng tatlong iba pa, habang anim naman ang nasawi sa panig ng mga rebelde.
Dahil dito, bukod sa mga nakakalat nang mga tauhan sa iba’t ibang panig ng bansa para tiyakin ang seguridad at kaayusan para sa Pasko at Bagong Taon, magdaragdag ng mga tauhan ang Pulisya partikular na sa mga nasa liblib na lugar. | ulat ni Jaymark Dagala