Ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa mga pamunuan ng Light Rail Transits 1 at 2 gayundin ng Metro Rail Transit (MRT) 3 na palawigin pa ang oras ng kanilang biyahe.
Ito’y upang makatugon sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong panahon ng Pasko o iyong tinatawag na Christmas rush kung saan, kaliwa’t kanan ang mga pagtitipon gaya ng Christmas Party, reunion gayundin ang nagpapatuloy na Simbang Gabi.
Ayon sa kalihim, mahalaga na may maaasahang transportasyon ang publiko para sa kanilang ligtas at kumportableng biyahe lalo na sa mga panahong ito.
Dahil dito, mula sa dating alas-9:30 ay magiging alas-10:30 na ng gabi ang huling biyahe ng MRT-3 mula North Avenue Station patungong Taft Avenue habang ang pabalik naman ay magiging alas-11:05 na ng gabi mula sa dating 10:09 ng gabi.
Alas-10:45 ng gabi naman ang huling biyahe ng LRT line 1 mula Baclaran patungong Fernando Poe Jr. Station buhat sa dating alas-10 ng gabi, habang alas-11 ng gabi naman mula sa dating alas-10:15 ng gabi ang huling biyahe mula Fernando Poe Jr. Station patungong Baclaran.
Sa LRT line 2 naman na bumibiyaheng Recto hanggang Antipolo Stations, magiging alas-10 na ng gabi ang huling biyahe nito mula sa orihinal na alas-9 ng gabi ang biyane mula Antipolo patungong Recto habang alas-10:30 na mula sa orihinal na alas-9:30 ng gabi ang huling biyahe mula Recto patungong Antipolo. | ulat ni Jaymark Dagala