Naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa tulong ng Aviation Security Group, Airport Police at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang opisyal ng New Peoples Army (NPA) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 nitong Miyerkules.
Kinilala ni CIDG Director Police Maj. General Romeo Caramat ang akusado na si Jennifer Zamora Abad alias “Josephine Abad/Peping”, 50 taong gulang.
Inaresto ito sa bisa ng warrant of Arrest sa kasong Murder na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 28 ng Lianga, Surigao Del Sur.
Ayon kay Caramat, si Abad ay opisyal ng Regional Finance Staff ng NEMRC (Northeastern Mindanao Regional Committee) na responsable sa pangongolekta ng “revolutionary tax” sa Surigao Del Sur area.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Rizal Provincial Field Unit (PFU) si Abad.
Tiniyak ni Caramat na patuloy na tutugisin ng CIDG ang mga wanted na kriminal, partikular ang mga naghahasik ng terorismo, bilang pagsulong ng 5-focus Agenda ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. | ulat ni Leo Sarne