Nakatutok na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga pampubliko at pampribadong terminal sa iba’t ibang sulok ng bansa ngayong ramdam na ang holiday exodus.
Ito ay bahagi ng “Oplan Bantay-Biyahe Pasko 2023” ng ahensya tungo sa isang ligtas at komportableng pampublikong transportasyon sa pagsapit ng Pasko ngayong taon.
Kaugnay nito, nag-iikot na ang iba’t ibang kawani ng LTFRB sa mga terminal upang masigurong nasa mabuting kondisyon ang mga pampublikong sasakyan na pumapasada higit lalo ngayong holiday season kung kailan dagsa ang mga pasahero.
Nakalatag na rin ang mga Complaint at Public Assistance Help Desk upang agarang maaksyunan ang hinaing ng mga komyuter at mabigyang-linaw ang kanilang mga katanungan.
Ayon sa LTFRB, magbabantay ito sa mga terminal katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan hanggang sa January 7, 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa