Itutuloy ng Kamara ang pagpopondo sa bagong programa na Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) sa 2025.
Ito ang sinabi mismo ni Speaker Martin Romualdez kasunod ng paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa P5.768 trillion 2024 National Budget, ngayong araw.
Ang AKAP program ay bahagi ng halos P500 bilyon na social amelioration program o ayuda program na nakapaloob sa pambansang pondo sa susunod na taon.
“We intend this to be a continuing program to help our people. Thus, it is critical that we should make it work in its first year of implementation. We just have to make sure that the beneficiaries are qualified under government criteria and the money reaches them on time and with sufficient safeguards in place,” saad ni Speaker Romualdez
Umaasa ang House Speaker na magtatagumpay ang pagpapatupad ng AKAP ngayong 2024 upang mapaglaanan muli ng pondo ng Kamara sa 2025 at sa mga susunod pang taon.
Sa ilalim ng AKAP, ang kada kabahayan na kumikita ng P23,000 o mas mababa kada buwan ay makakatanggap ng one-time cash aid na P5,000.
Kaya’t sa kabuuan, may paunang pondo ito na P60 bilyon para sa target na 12 milyong pamilya.
Kasabay nito, muli ring siniguro ni Romualdez na pasok sa pambansang pondo sa susunod na taon ang pagpapalakas ng depensa ng bansa sa West Philippine Sea. | ulat ni Kathleen Forbes