Nag-abiso ang Social Security System (SSS) na pinalawig pa nito hanggang ngayong araw, Dec. 29 ang deadline para sa pagre-remit ng SSS contribution sa employers at Coverage and Collection Partners (CCP)
Ayon sa SSS, maaari pang mabayaran ng mga business employer ang kontribusyon ng kanilang mga manggagawa para sa buwan ng Setyembre at Oktubre hanggang December 29.
Gayunman, susundin pa rin ang regular payment deadline para sa contribution payments sa buwan ng Nobyembre.
Maging ang mga household employer at CCPs ay maaari ring mag-remit ng kontribusyon para sa buwan ng Hulyo hanggang Setyembre sa Dec. 29 bagamat hindi kasama rito ang buwan ng Oktubre hanggang Disyembre na nakabatay sa usual payment deadline.
Bukod dito, iniurong din ng SSS hanggang ngayong araw ang deadline para sa pagsusumite ng sickness notifications for home confinement na sakop ang mga petsang October 20 hanggang December 19, 2023.
Gayunman, ang sickness notifications mula December 20 onwards ay kailangang sumunod sa regular prescriptive period ng filing.
Ang extension ng deadline ay nakasaad sa SSS Circular No. 2023-010. | ulat ni Merry Ann Bastasa