Pinasisilip ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers a intelligence at law enforcement agencies ang ulat ng umano’y “creeping invasion” o pagpasok ng mga Chinese sa bansa gamit ang drug money at pagbili ng property.
Kasunod ito ng imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs hinggil sa pagkakakilanlan ng Filipino-Chinese businessman na si Willy Ong.
Si Ong ang sinasabing nasa likod ng pagpupuslit ng 560 kilos o 3.6 billion pesos na halaga ng shabu na nasabat sa Mexico Pampanga.
Sa pagdinig ay natukoy na rehistrado ang kumpanya ni Ong sa Securities and Exchange Commission bilang “Empire 999”; nakapagtayo ng gasoline station at nakabili pa ng mahigit apat na ektaryang lupa sa bayan ng Mexico gamit ang Filipino dummies.
Mayroon din umanong UMID Card at LTO-issued driver’s license ang negosyante.
Mayroon itong address sa Nueva Ecija ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin mahanap ng NBI at PNP.
Ang nakababahala aniya dito, may mga ulat na hindi lang sa Pampanga nangyayari ang ganitong kalakaran.
Hindi rin aniya dapat ituring ng gobyerno na isolated case ang nangyari sa Mexico dahil posibleng talamak na ito sa Palawan, Bulacan, Zambales at Davao.
“May mga natatanggap tayong reports na hindi lang sa Pampanga na merong buying spree nang lupa at properties ang ibang mga Chinese nationals tulad ni Willy Ong na umano’y gumamit ng fake credentials, kumuha ng government-issued IDs, at magpa-rehistro ng kanilang mga negosyo sa SEC, Department of Trade and Industry at mga local government units, gamit ang kanilang mga bayarang Filipino dummies.”| ulat ni Kathleen Jean Forbes