Pinapayagan ng pamunuan ng Quezon City Jail Male Dormitory ang lahat ng paraan ng pagbisita sa mga Person Deprived of Liberty (PDL) sa araw ng Pasko, Disyembre 25, 2023 at bagong taon sa Enero 1, 2024.
Alinsunod ito sa kautusan ni BJMP Regional Director Jail Chief Superintendent Clint Russel Tangeres sa lahat ng Jail Warden at Acting Jail Warden ng Bureau of Jail Management and Penology- National Capital Region.
Alang-alang sa diwa ng Pasko at humanitarian consideration, dapat mabigyan ng pribilehiyo sa pagbisita ang mga PDL.
Ayon kay City Jail Warden Jail Supt Michelle Ng Bonto, maaaring madalaw at makausap ang mga PDL sa pamamagitan ng face-to-face, e-dalaw, at non-contact visitation.
Gayunman, dadaan pa rin sa mahigpit na search and inspection procedures ang mga dalaw upang maiwasan ang pagpupuslit ng kontrabando sa loob ng jail facility.
Nakasaad sa revised policy ng pagbisita sa mga jail facility ng BJMP, itinakda ang visiting days mula Martes hanggang Linggo, at ang Lunes ay isang non-visiting day dahil inilaan ito para sa washday, sanitation ng PDL at paglilinis sa buong jail facility. | ulat ni Rey Ferrer